Napuno ng kasiyahan ang bulwagan ng SM City Roxas matapos ang matagumpay na paggunita ng Capiz State University (CapSU) ng 20th University Day kalahok ang ilang mga estudyante’t mga guro mula sa iba’t ibang mga campus at mga satellite colleges nitong Huwebes, Marso 21.
Matatandaang 20 taon na ang nakalipas matapos na maipalit bilang state university ang Panay State Polytechnic College na naging epektibo sa ilalim ng Republic Act 9273 na pinirmahan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang pagdiriwang ay sinimulan ng isang banal na misa sa loob ng CAPSU-Main at pagkatapos ay nagkaroon ng isang caravan mula sa nasabing campus papuntang SM City Roxas kung saan ay naging sentro ng kaganapan.
Nagbigay ng panimulang mensahe si Dr. Editha C. Alfon na sinundan naman ng mga mensahe nina Dr. Wennie F. Legario at Engr. Nerio V. Harion. Sa karagdagan, nagbigay din ng congratulatory message si Mayor Ronnie T. Dadivas para sa maunlad na takbo ng selebrasyon .
Pagsapit naman ng hapon ay nagpamalas ng iba’t ibang uri ng talento ang mga mag-aaral mula sa CapSU-Dayao Satellite College, CapSU-Mambusao Satellite College, CapSU Tapaz Satellite College, CapSU Bailan Pontevedra Campus, CapSU Pilar Satellite College, CapSUBurias Campus, CapSU Sigma Satellite College, CapSU Dumarao Satellite College at CapSU-Roxas na siya namang nagbigay ng kasiyahan sa selebrasyon.